BFAR, nagpalabas na rin ng advisory sa harap ng banta ng Bagyong Mawar

Nagpaalala na rin ang Bureau of Fisheries and Aquatic resources o BFAR sa mga mangingisda sa harap ng banta ng bagyo na may international name na Mawar.

Sa isang advisory, sinabi ng BFAR na dapat ngayon pa lamang ay nakapagsagawa na ng pagsasaayos ang mga mangingisda sa kanilang fishcages, fish pond at fish stock.

Dapat ding tiyaking nakadaong o nakaangat ang mga bangkang pangisda upang hindi abutin ng daluyong.


Iwasan na rin ang pagpalaot at pagtatangkang maglayag kapag may babala na ng bagyo.

Dapat ding ugaliing naka-monitor sa latest update sa galaw ng bagyo at makipag-ugnayan sa kanilang mga lokal na pamahalaan para sa mga gabay at mga paghahanda.

Sa ngayon, activated na rin ang Disaster Risk Reduction and Management Operations (DRRMO) Center ng Department of Agriculture (DA) para mabantayan ang magiging epekto ng Bagyong Mawar.

Kasunod nito mahigpit na imino-monitor ng DRRMO ang mga pinsala ng bagyo.

Tiniyak naman ng DA na may nakahanda silang tulong sa mga maapektuhan ng papalapit na bagyo.

Facebook Comments