Patuloy na sinisiguro ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang sapat na suplay ng isda para sa mga pamilya sa Ilocos Region, kasunod ng epekto ng mga nagdaang bagyo na nakaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Ayon kay Regional Director Rosario Segundina Gaerlan, nakatuon ang BFAR sa pagpapatupad ng mga programa at serbisyong sumusuporta sa produksyon, pangingisda, at pagbebenta upang mapalakas ang kabuhayan ng mga mangingisda at mapanatili ang matatag na suplay ng yamang-dagat.
Kabilang sa mga inisyatiba ang pamamahagi ng fingerlings, pagbibigay ng fuel subsidy, pagsasanay at teknolohiya, pagpapalawak ng aquaculture farms, at pagkokonekta ng mga mangingisda sa pamilihan.
Dagdag pa rito, binigyang-diin ni Gaerlan ang pagpapatupad at pagbabantay ng BFAR sa mga regulasyon para sa wastong pamamahala ng yamang-dagat at pagsusulong ng napapanatiling pangingisda sa pamamagitan ng information at education campaigns.








