Bilang bahagi sa pagpapalago ng kita ng mga mangingisda sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya sa pangingisda, kasalukuyan ang pagtutulungan ng anim (6) na asosasyon sa bayan ng Bacnotan sa probinsiya ng La Union upang mabuo ang Lambaklad na proyekto ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 1.
Ang Lambaklad ay isang teknolohiya na ginagamit sa “capture fisheries” o panghuhuli ng isda, na ligtas sa mga tao at sa yamang-tubig, dahil ito ay itinuturing na likas-kaya at produktibo. Ito ay makatutulong upang magkaroon ng karagdagang pagkakakitaan ang mga mangingisda.
Ang bayan ng Bacnotan ay isa sa mga baybaying munisipalidad sa probinsiya ng La Union na may potensyal na mapagkukunan ng mga pangunahing isda gaya ng tuna, ‘mackerel’, at ‘marlin’.
Ipinaabot din ng mga asosasyon ng mga mangingisda na kinabibilangan ng Baroro, Pandan, Cabarsican, Tammocalao, Quirino, at Poblacion ang kanilang pasasalamat sa BFAR sa nasabing proyekto.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng BFAR RFO1 Fisheries Production and Support Services Division, sa pakikipagtulungan ng Provincial Fishery Office ng La Union at ng lokal na pamahalaan ng Bacnotan.
Nanguna rin sa oryentasyon at konstruksyon ng proyekto ang mga kinatawan mula sa BFAR Central Office. | ifmnews
Facebook Comments