Muling pinagsabihan ni Senator Cynthia Villar ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) dahil sa kabiguang magpagawa ng fish hatchery simula noong 2016.
Sinermunan ni Villar ang BFAR sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Committee on Agriculture and Food ukol sa 11 panukalang batas na nagtatakda ng pagpapagawa ng fish hatchery kung saan pinaparami ang mga isda.
Giit ni Villar, ang paggawa ng fish hatchery ay utos ng batas at nakapaloob sa taunang pondo ng BFAR na umaabot sa ₱6 billion.
Sabi naman ni BFAR Director Eduardo Gongona, noong December 2021 ay mayroon na silang isang natapos at napasinayaan sa Alabat, Quezon habang naunsiyami naman ang ginagawang fish hatchery sa Lanao del Sur dahil sa bagyo.
Tiniyak naman ni Gongona na mayroong tatlong fish hatchery ang matatapos ngayong Pebrero at ang 25 pa ay sa Mayo matatapos.
Kaugnay nito ay sinabihan naman ni Villar ang mga local officials na maglaan ng lote para sa fish hatcheries dahil ang kawalan ng pwesto ang palagiang dahilan ng BFAR kaya bigo silang maisakatuparan ang proyekto.