BFAR, tiniyak na ligtas at pumasa sa health protocols ang inaangkat na isda ng Pilipinas

Pinawi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pangamba ng publiko sa pagkain ng salmon.

Kasunod pa rin ito ng lumabas na ulat noong Hunyo kung saan mahigit 100 indibidwal ang tinamaan ng COVID-19 sa isang seafood market sa Beijing dahil sa imported salmon na umano’y kontaminado ng virus.

Sa interview ng RMN Manila, tiniyak ni BFAR Director Usec. Eduardo Gongona na mahigpit na sinusunod ng mga importers ang health standards and protocols bago sila bigyan ng permit.


“Ang BFAR ay pino-proseso ang pag-i-import ng isda at sinisigurong mahigpit na sinusunod ng mga importers ang lahat ng health protocols bago sila mabigyan ng sanitary at phytosanitary permit after certificate kaya sinisuguro po namin na ang mga nai-import na isda ay talagang pumasa,” ani Gongona.

Bukod dito, mismong ang World Health Organization (WHO) na ang nagsabi na walang ebidensyang nagpapatunay na maaaring mahawa sa COVID-19 ang isang indibidwal sa pamamagitan ng pagkain.

“Sabi nga ng World Health Organization, sa kasalukuyan ay walang ebidensyang nagpapatunay na maaaring mahawa sa COVID-19 ang isang indibidwal sa pamamagitan ng pagkain,” saad ng opisyal.

“Sa kabila nito, maigting pa rin nating pinaaalalahanan ang lahat na laging sundin ang tamang pamamaraan ng paghawak at paglilinis ng mga produktong gaya ng isda bilang pag-iingat,” dagdag pa ni Gongona.

Nabatid na sinimulan na ng BFAR ang pag-angkat ng isda sa ibang bansa bilang “conservation measure” para sa tatlong buwang closed fishing season sa Pilipinas.

Facebook Comments