BFP Cauayan City, Nagpaalala Kasunod ng Naitalang Malaking Grassfire

Cauayan City, Isabela- Mariing nagpapaalala ang pamunuan ng BFP Cauayan City sa publiko na iwasan ang pagsusunog lalo na ngayong summer season.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Fire Chief Inspector Aristotle Atal, City Fire Marshall ng BFP Cauayan, kanyang sinabi na nito lamang ika-27 ng Abril hanggang sa kasalukuyan ay nakapagtala na ang Lungsod ng labing siyam (19) na insidente ng grassfire.

Pinakahuling insidente ng grassfire ang nangyari sa brgy. Minante Uno nitong May 11, 2021 na kung saan ay umabot pa sa mga kalapit na barangay ang sunog at umabot ng halos apat (4) na oras bago tuluyang naapula ang sunog.


Mabilis aniya ang paglaki ng sunog dahil sa malakas na hangin at mainit na temperatura.

Sinabi nito na ang kadalasang sanhi ng grassfire ay dahil sa mga napapabayaang sinusunog na taniman na naghahanda para sa susunod na pagtatanim.

Kaugnay nito, nagpaalala ang Fire Marshall na iwasang magsunog lalo na sa panahon ngayon upang makaiwas sa di-inaasahang sunog at ng hindi rin makapinsala sa kapaligiran at kalikasan.

Mensahe nito sa lahat na huwag mag-atubiling ipaalam agad sa himpilan ng BFP sakaling may mangyaring sunog sa lugar sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang hotline number sa 0926-490-5075 upang agad itong matugunan ng mga bumbero.

Facebook Comments