BFP Cauayan City, Nagpaalala sa Publiko Ngayong Kapaskuhan

Cauayan City, Isabela- Pinapaalalahanan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan City ang publiko na mag-ingat at sumunod sa mga ipinatutupad ngayong kapaskuhan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay FO1 Liann Grace Ferrer, Information Officer ng BFP Cauayan City, mahigpit aniya na ipinagbabawal ngayong Pasko ang pagpapaputok kung kaya’t nagpapatuloy pa rin aniya ang kanilang ginagawang information dessimination sa mga barangay hinggil dito.

Kanyang sinabi na lahat ng uri ng mga malalakas na fireworks ay mahigpit na ipinagbabawal gaya ng Goodbye Philippines, Goodbye Earth, Piccolo, Five Star, Sawa, Watusi, Giant Whistle Bomb, Lolo Thunder, Atomic Bomb, Giant Bawang, Pillbox, Goodbye Bading, Large Judas Belt, maging ang improvised fireworks na ‘Boga’ at iba pang mga malalakas na paputok.


Ito’y upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang insidente at maipagdiwang ng ligtas at payapa ang pagsalubong sa kapaskuhan.

Gayunman, nakaalerto pa rin ang pamunuan ng BFP Cauayan para sa pagtugon sa anumang mga maitatalang pangyayari.

Paalala pa nito sa publiko na suriing mabuti ang mga gamit sa bahay upang maiwasan ang sunog at sumunod pa rin sa mga ipinatutupad na health and safety protocols ngayong may banta pa rin ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments