Cauayan City, Isabela- Nangangailangan ng karagdagang bumbero ang tanggapan ng BFP Cauayan City dahil sa kanilang limitadong bilang na dalawampu’t isa kung saan hindi umano sapat upang magsilbi dahil sa lawak ng lungsod ng Cauayan.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Fire Officer 1 Francisco Decena, ang PIO ng BFP Cauayan City sa naging panayam ng RMN Cauayan kaninang umaga.
Ayon sa kanyang ulat, magsisimula nitong buwan ng Hunyo ang kanilang Hiring para sa mga gustong maging bumbero.
Aniya, kulang umano ang kanilang pwersa kaya’t hinihikaya’t ngayon ng BFP Cauayan ang lahat ng mga gustong makabilang sa kanilang pwersa lalo na umano sa mga marunong magmaneho at magtungo lamang sa kanilang tanggapan upang makapag-apply.
Ilan umano sa kanilang batayan ay dapat nasa edad dalawampu’t isa hanggang trenta anyos, may Bachelor’s Degree at mayroong Eligibility.
Samantala, tuloy pa rin umano ang kanilang isinasagawang Fire Safety Inspection, Fire drill, Fire Safety Lecture at Barangay Ugnayan dito sa lungsod ng Cauayan upang mabigyan ng kaalaman ang publiko at isa na rin umano sa kanilang pinaghahandaan ay ang Brigada Eskwela sa mga paaralan.
Hinimok pa ni FS1 Decena ang publiko na agad ipaabot sa kanilang himpilan kung mayroon mang sunog sa nasasakupang lugar.