BFP Cauayan, Ipinasakamay na ang ‘Moto Pumper’ sa isang Barangay sa Lungsod!

Cauayan City, Isabela- Ipinasakamay na nang Bureau of Fire Protection ng Cauayan City ang isang Fire Moto Pumper sa Brgy. Marabulig Uno sa katatapos na ‘Ultimate Firefighter Challenge’ na layong mabigyan ng paunang tugon ang insidente ng sunog sa mga makikipot na eskinita sa bawat barangay sa lungsod.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Fire Chief Insp. Aristotle Atal ng nasabing tanggapan,ito ay napanalunan ng nasabing barangay noong buwan ng Pebrero at target pa na mabigyan ang lahat ng barangay sa lungsod upang agad na makatugon sa insidente ng sunog.

Dagdag pa ni Atal na personal niya itong idinisenyo na may kabuuang halaga na P250,000 ang kada yunit nito na pinondohan ng lokal na pamahalaan ng Cauayan at kauna-unahang ‘Moto Pumper’ sa buong Lambak ng Cagayan.


Aniya, taun-taon nang isasagawa ang ‘Ultimate FireFighter Challenge’ sa buong Lungsod at ang mananalong barangay ay mapagkakalooban ng naturang pumper.

Sa ngayon ay kasalukuyang ginagawa ang karagdagang dalawang yunit ng moto pumper na ang isa rito ay personal na pinagawa ni 6th District Congressman Inno Dy.

Inaasahan naman ng BFP Cauayan na sa pagkakaroon ng ganitong yunit ay agad na makakatugon ang isang barangay sa pagresponde sa sunog.

Facebook Comments