BFP LINGAYEN AT LDRRMO, NAKA RED ALERT STATUS NA BILANG PAGHAHANDA SA PAGSALUBONG SA BAGONG TAON

Itinaas na ng Bureau of Fire Protection Lingayen at Lingayen Disaster Risk Reduction and Management Office ang red alert status nito sa bayan bilang paghahanda sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Ito ay kasabay ng paglulunsad ng Municipal Health Office (MHO) Lingayen katuwang ang ahensya sa Iwas Paputok Campaign 2022.
Ang kampanyang ito ay isang pinaigting na pamamaraan upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan at maging ng mga ari-arian at makamit ang zero firecracker related injuries sa bayan.

Nanguna sa nasabing aktibidad si Vice Mayor Dexter Malicdem na siya ring nagbasa ng mensahe ni Mayor Leopoldo N. Bataoil para sa publiko.
Nanawagan sa publiko ang mga opisyal na iwasan ang paggamit ng paputok at sa halip ay gumamit na lamang ng alternatibong pampa-ingay tulad ng torotot bilang pagsalubong sa bagong taon.
Payo din ni Dr. Shayne DS. Borling ng Rural Health Unit III na agad magpakonsulta sa doktor sakali mang nasugatan dahil sa paggamit ng paputok.
Aniya, delikado ang mga ganitong uri ng kaso dahil maaari umanong ikamatay ng isang indibidwal kung kakapitan ng tetanus bacteria.
Katuwang naman ang ibang ahensiya tulad ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office at PNP Lingayen sa adbokasiya at pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa kampanyang iwas paputok kung saan isang motorcade pa ang idinaos parehong araw. |ifmnews
Facebook Comments