BFP Manila, nakahanda na sa posibleng epekto ng El Niño

 

Nakalatag na ang mga plano ng Bureau of Fire Protection (BFP) Manila sa magiging epekto ng El Niño sa Metro Manila.

Ayon kay BFP Manila Fire Marshal Fire Sr Supt Christine Cula, ang mga ito ang pinagpulungan na nila noong nakalipas na taon sa harap ng panganib ng pagtaas ng insidente ng sunog dulot ng mararanasang tagtuyot.

Sinabi pa ni Cula, kasama sa tinukoy ang paghuhugutan ng tubig tulad ng pool, fountain at iba pa.


Aniya, nangako rin sa kanila ang Maynilad na palalakasin ang pressure ng tubig sa isang lugar kung saan may sunog.

Nabatid na kadalasan nagiging problema ang paghina ng pressure ng tubig sa fire hydrant tuwing tag-init na pinagkukunan ng suplay ng mga bumbero.

Maliban dito, hinimok din ni Cula ang publiko na iwasan na ang pagsisiga ng basura na una ng ipinagnabawal, iwasan ang paninigarilyo sa loob ng bahay at basta na lamang pagtatapon ng upos nito upang hindi magkaroon ng sunog.

Payo pa ni Cula, huwag iwanan nakasaksak ang mga appliances kapag aalis ng bahay at huwag iwanan nakasaksak ang charger ng gadgets na posibleng pagmulan ng sunog.

Facebook Comments