Ipinakalat na ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa buong bansa ang 154 nilang mga registered nurses para tumulong sa mga hospital na may kakulangan ng kanilang mga medical workers.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Jonathan Malaya, ang hakbang na ito ng BFP ay para tugunan ang panawagan ng ilang mga private hospitals na mabigyan sila ng mga dagdag na medical health workers.
Umaabot sa 27 mga ospital sa buong bansa ang na lagyan ng mga nurses ng BFP.
Kabilang sa mga nagkaroon ng deployment ay ang Tuguegarao City Peoples General Hospital na may 14 na nurses, 19 sa Adventist Hospital na nasa MIMAROPA, 5 sa Legaspi City COVID-19 Center sa Bicol Region, 30 sa Metro Iloilo Hospital and Medical Center Inc., 20 sa Dr. Rafael Tumbokon Memorial Hospital sa Western Visayas, 19 sa Remedios Trinidad Romualdez Hospital sa Eastern Visayas, 10 sa Southern Philippines Medical Center at 9 sa Davao Oriental Provincial Hospital sa Davao Region.
Sa National Capital Region (NCR), mayroong labing walo na mga registered nurse ang idineploy mula noong August 31, 2021 kung saan ang 9 sa kanila ay itinalaga bilang vaccinators sa Muntinlupa City Health Office, 6 sa Las Pinas City Health office at 9 sa Muntinlupa Medical Center.
Paliwanag ni Malaya, ang hakbang na ito ng BFP ay bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumulong ang mga medical workers ng gobyerno sa mga ospital na may kakulangan ng health workers.