BFP, NAGBABALA SA PANGANIB NG ELECTRICAL OVERLOADING SA MGA TAHANAN

Dahil sa kabi-kabilang sunog sa mga residential area sa lalawigan ng Pangasinan, ipinaalam at ipinaalala ng Bureau of Fire Protection o BFP Lingayen ang kadalasang nagiging salik at dahilan ng mga insidente ng sunog.

Ayon kay FO1 Tom Cruz, Chief of Logistic ng BFP Lingayen, kadalasang nagiging dahilan ng sunog ang electrical overloading kung saan nag-i-exceed sa limit ng branch circuit ang mga isinasaksak na mga appliances o kagamitang nangangailangan ng kuryente.

Dahil dito, nag-o-overheat ang dinadaluyan ng kuryente na siyang tutunaw sa insulation na maaring makapagdulot ng sunog.

Nagpaalala rin si Cruz sa wastong paggamit at pag-alam sa tamang uri ng mga extension wires na gagamitin sa mga tahanan.

Samantala, patuloy naman ang paalala ng BFP na maging maingat lalo na sa iba’t ibang salik na maaring magdulot ng sunog bunsod ng init na nararanasan dahil sa El Niño. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments