BFP, nakapagtala ng 3 insidente ng sunog sa pagsalubong ng Bagong Taon

Inihayag ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nasa tatlong insidente ng sunog ang kanilang naitala sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Sa isang panayam kay Fire Supt. Analee Atienza, tagapagsalita ng BFP, ang mga nangyaring sunog ay may kaugnayan sa pagpapautok sa kasagsagan ng selebrasyon.

Base sa inilabas na impormasyon ng BFP, dalawang insidente ng sunog ang naganap sa Quezon City habang isa naman sa Taguig City kung saan iniimbestigahan pa kung ano ang pinagmulan nito.


Dagdag pa ni Supt. Atienza, simula noong December 24 hanggang January 1 umaabot sa 89 na insidente ng sunog ang kanilang naitala.

Aniya, mas mababa naman daw ang datos ng 44% kumpara sa nakaraan taon sa kaparehas na petsa na nasa 160 ang bilang.

Sinabi pa ni Supt. Atienza na karaniwang insidente ng sunog ay ang electrical ignition ang pinagmulan at karamihan na naapektuhan ay pawang mga residential.

Kaugnay nito, muling nagpapa-alala ang BFP sa mga residente na mag-doble ingat upang maiwasan ang sunog.

Pinapayuhan din nila ang mga may-ari ng bahay na kung maaari ay magtabi ng fire extinguishers para agad na maagapan ang apoy lalo na’t lumalabas sa kanilang datos na karamihan sa insidente ng sunog ay pawang mga bahay ang natutupok.

Facebook Comments