BFP, nakiusap sa publiko na unahin ang pagtawag ng tulong bago ang pag-vlog kapag may sunog

Nakikiusap ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa publiko na unahin munang tumawag ng tulong bago mag-vlog sa social media sakaling may insidente ng sunog.

Sa isang panayam kay BFP-Public Information Service Chief Annalee Atienza, maiging tumawag sa 911 kapag may sunog upang agad na makaresponde sa halip na i-live o ipakita ito sa social media.

Aniya, importante ang mabilisang pag-responde upang maapula ang sunog at walang madamay na ari-arian o buhay ng tao.


Ang panawagan ng BFP ay kasunod ng pagsasailalim ng kanilang tanggapan sa red alert status para sa bagong taon kung saan kanselado kung ang leave ng kanilang mga tauhan para sa pag-responde sakaling kailanganin ng tulong.

Pinayuhan rin ng BFP ang publiko na kung maaari ay huwag nang magpaputok lalo na sa mga residential area na tabi-tabi o dikit-dikit ang mga bahay na pawang gawa pa sa light materials upang maiwasan ang insidente ng sunog.

Hinihikayat ng BFP ang mga residnete na makiisa na lamang o manood sa designated community fireworks display sa pagsalubing ng bagong taon.

Facebook Comments