Umaasa ang Bureau of Fire Protection (BFP) na susundin ng mga lokal na pamahalaan ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na gumawa na lang ng magandang fireworks display para sa kanilang mga constituent.
Ito ay upang maiwasan ang mga aksidente kabilang na ang sunog dahil sa paputok.
Sa Laging Handa public briefing sinabi ni Supt. Annalee Atienza, Tagapagsalita ng BFP, na gusto sana nilang makamit muli ang zero fire incident gaya noong pagsalubong sa taong 2021 at 2022.
Ngunit ang nakalulungkot aniya, ngayon pa lamang ay nasa 19 na ang insidente ng sunog dahil sa paputok.
Ayon kay Atienza, dasal nila na huwag na sanang madagdagan ang bilang na ito lalo’t mahigit isang linggo pa bago ang Bagong Taon.
Binigyang diin ng opisyal na malaking tulong ang kooperasyon ng bawat isa kaya mainam kung magkakaroon ng designated areas sa bawat Local Government Units (LGUs) kung saan maaaring manood na lang ng mga pailaw sa pagsalubong sa 2023.