BGen. Ranulfo Sevilla, bigong makasunod sa CA, hinggil sa sustento sa kanyang pamilya

Hindi pa rin nakatupad si Brigadier General Ranulfo Sevilla sa rekomendasyon ng Commission on Appointments – Committee on National Defense na bigyan ng sapat na sustento ang kanyang mga anak.

Matatandaang noong nakaraang linggo ay naipagpaliban ng CA ang pag-apruba sa ad interim appointment ng heneral matapos na ireklamo ito ng kanyang maybahay ng pananakit at hindi pagbibigay ng sustento sa kanilang mga anak.

Sa muling pagsalang ni Sevilla sa CA ay sinabi niyang sumunod siya sa utos ng chairman ng komite at nagpadala siya ng liham dito na nagsasaad na na-ideposito niya na ang kalahati ng halaga ng sustento sa kanyang mga anak kalakip ang mga resibo ng fund transfer.


Magkagayunman, nang linawin ni Senator Risa Hontiveros na batay sa rekomendasyon ng komite ay 50 percent ng kalahati ng base pay ng heneral ang dapat na maibigay na sustento sa dalawa nitong anak, sinabi naman dito ni Sevilla na wala siyang alam sa eksaktong halaga at hindi ito ang nakarating na impormasyon sa kanya.

Batay sa sulat ni Sevilla na binasa ni Hontiveros, tig P15,000 kada buwan para sa dalawang anak o kabuuang P30,000 kada buwan ang sustento na kanyang ibibigay mula sa kanyang monthly take-home pay na P75,542.78.

Sinita naman ni CA-National Defense Committee Chairperson Cong. Jurdin Jesus Romualdo si Sevilla na huwag itong magsinungaling dahil napag-usapan sa executive session ang porsyento at halaga ng dapat niyang ibigay sa mga anak nito.

Humingi naman ng paumanhin si Sevilla kung nagkamali man siya o hindi lang niya naunawaan ang napag-usapan at nangakong handa siyang tumalima sa rekomendasyon ng komite na magbigay ng sustento sa mga anak na 50 percent ng kanyang base pay.

Sa ngayon ay nasa caucus pa ang komite at tinatalakay kung maikukunsidera ba ngayon ang ad interim appointment ng heneral.

Facebook Comments