BI at DMW, hinarang ang isang babae matapos ipresenta ang peke nitong Overseas Employment Certificate

Hindi na nakalipad ang 27 taong gulang na babae matapos harangin ng Bureau of Immigration (BI) katuwang ang Department of Migrant Worker (DMW) matapos nitong magpakita ng pekeng Overseas Employment Certificate kahapon.

Papunta sana ng Hong Kong na may connecting flight naman sa Malaysia ang babaeng hindi na pinangalanan ng ahensya.

Ayon sa BI, iprinisinta ng babae ang kaniyang sarili bilang isang Overseas Filipino Worker kung kaya’t ipinakita nito ang OEC nito.


Ngunit sa pagbeberipika ng system ng BI-DMW, lumabas na hindi nakarehistro ang OEC nito.

Kaya bineripika na rin ito ng tauhan ng DMW at napag-alaman na ang dokumento nito ay peke at naka-isyu sa ibang pangalan.

Inamin ng babae na nagpatulong ito sa kaniyang kaibigan kung saan ni-refer ito sa isang indibidwal at nakipagkita sa Parañaque kung saan ibinigay nito ang dokumento nito at nagbayad ng 10,000 piso upang makakuha ng pekeng dokumento.

Dahil dito, inendorso na ang babae sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa karagdagang imbestigasyon at paghain ng kaukulang reklamo sa recruiter nito.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang joint verification nito kasama ang DMW ay mahalaga pagdating sa pagtuklas ng mga pekeng dokumento.

Sa huli, nanawagan si Commissioner Viado sa publiko na iproseso nila ang kanilang mga dokumento sa proper channels upang hindi mabiktima ng scam.

Facebook Comments