
Wala umanong record ang Bureau of Immigration ng ‘departure incident’ na kinasasangkutan ng dating aide ni resigned Cong. Zaldy Co na si John Paul Estrada at misis nito.
Ang pahayag ay kasunod na rin ng sinabi ni dating Cong. Mike Defensor na binugbog at inilipad umano ang mag-asawa pa-Chile gamit ang pekeng pasaporte upang hindi makatestigo sa flood control anomaly.
Ayon kay Immigration Spokesperson Dana Sandoval, wala silang nakitang anumang rekord ng departure incident na may kinalaman sa mga naturang indibidwal.
Gayunpaman, nagpapatuloy ang masusing pagsusuri sa insidente, at isusumite ng ahensya ang resulta ng imbestigasyon sa Department of Justice (DOJ) at iba pang kaukulang ahensya.
Tiniyak din ng ahensya na ang lahat ng immigration counters ay nakadagdag-kagamitan ng passport readers na kayang makapagsuri at makadetect ng mga pekeng travel documents.









