Tatlo pang Overseas Filipino Workers (OFWs) papuntang Syria ang nag-akusa ng human trafficking sa mga empleyado ng Bureau of Immigration (BI).
Sa Hearing ng Senate Committee on Women ngayong araw, iprinisenta ni Senator Risa Hontiveros ang tatlong Pinay migrant workers na nagbigay ng testimonya sa pagkakasangkot ng mga BI personnel.
Isa rito ay si alias ‘Diana’ kung saan inilahad ang mga naging karanasan niya papuntang Syria hanggang sa pagpilit na magsagawa ng abortion pagdating sa Middle Eastern State.
Habang inamin pa nito na binayaran ng kaniyang recruiter ang mga opisyal mula sa BI para lamang makalipad siya paalis ng Pilipinas nang walang inspeksiyon.
Matapos naman marinig ang mga kwento ng biktima, tiniyak ni BI Commissioner Jaime Morente na magsasagawa na sila ng imbestigasyon sa nangyari upang mapanagot ang mga sangkot.
Kabilang aniya rito sina; Mark Darwin Talha, Nerissa Pineda, John Michael Angeles, at Ervin Ortañez na siyang nagtatak sa passport ng mga Pinay OFWs.
Sa ngayon maliban sa tatlong Pinay OFWs, iniimbestigahan na ng Immigration ang 44 pang Pilipina na tinukoy ng Department of Foreign Affairs (DFA) na posibleng biktima rin ng Human Trafficking.
Kabilang kasi ang mga ito sa mga natatakan ng departure clearance ng mga umano’y sangkot sa human trafficking.