Inanunsyo ng Bureau of Immigration (BI) ang ipatutupad nilang one-strike policy sa mas pinaigting na kampanya sa kanilang mga tiwaling tauhan.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ipinag-utos na niya sa kanilang Board of Discipline na pag-aralang mabuti ang mga reklamo laban sa mga tiwaling tauhan at opisyal ng BI.
Nagtalaga na rin ang Department of Justice (DOJ) ng limang abogado sa naturang Board.
Kapag nakitaan aniya ng merito ang isang reklamo laban sa sinumang Immigration staff, dapat agad na irekomenda sa Department of Justice ang pagsasampa ng kasong administratibo.
Sa datos ng Immigration, mula 2016, 131 tauhan nito ang nasuspinde at nasibak sa trabaho dahil sa katiwalian.
Umapela rin ang BI sa publiko na i-report sa kanila ang illegal activities ng kanilang mga tauhan sa hotline numbers +632 86452400 o sa pamamagitan ng messenger at official Facebook page ng Immigration.