Inalerto ng Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhan sa bansa laban sa mga pekeng kumpanya na nag-aalok ng immigration service kapalit ang malaking halaga.
Ang panawagan ni Immigration Commissioner Jaime Morente ay sa gitna ng pagkalat ng dokumento mula sa isang kumpanya na nakabase sa Pilipinas na naniningil upang ibayad sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Sinabi ni Morente na nakakuha na sila ng kopya ng naturang dokumento na nagsasaad ng mga kailangang bayaran kapalit ng serbisyo sa immigration.
Kabilang sa nakasaad na dapat bayaran ay P5,000 bilang Airport Assistance Fee, P5,000 para sa processing fee at P20,000 para sa invitation letter mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Dagdag ni Morente, gamit ng nasabing kumpanya ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang makasingil sila ng mataas na halaga.
Iginiit pa ng opisyal na hindi naniningil ang ahensiya para sa immigration assistance mula sa mga dayuhan.
Kaugnay nito, umapela sa publiko si Morente na agad i-report sa mga otoridad ang sinumang sangkot sa nabanggit na modus.