Nilinaw ng Bureau of Immigration (BI) na maaaring humingi ng exemption mula sa National Task Force Against COVID-19 (NTF) ang isang dayuhan na hindi makapasok sa bansa dahil sa umiiral na travel restrictions.
Ito’y sakaling mayroon silang emergency o humanitarian reasons.
Pero ayon kay ni BI Commissioner Jaime Morente, ang entry exemption na inilabas ng ibang ahensiya bago ipatupad ang travel ban ay hindi maaaring gamitin upang makapasok ng bansa sa ipinatutupad na heightened travel ban na sinimulan noong March 22 hanggang April 21.
Iginiit naman ni Morente na ang isang dayuhan na humingi ng exemption ay pinapayagan ng NTF kung mayroon itong valid visa sa saktong araw ng kanyang pagbiyahe.
Ang nasabing paglilinaw ay kasunod ng napaulat na may ilang dayuhan na walang NTF-issued entry exemptions ang hindi pinayagang pumasok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Inihayag pa ni Morente na ang ipinatutupad na travel restriction ay pansamantala lamang bunsod na rin ng pinaiiral na ECQ dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.