BI, muling nagbabala sa mga nais mangibang bansa na mag-ingat sa mga illegal recruiters

Muling nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga nais mangibang bansa lalo na sa mga dadaan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na huwag na nilang tangkaing magprisinta ng mga pekeng dokumento.

Kasunod na rin ito ng pagkakaharang ng Immigration Bureau sa biktima ng illegal recruitment sa Clark International Airport (CIA) Terminal 2 sa Pampanga.

Una nang sinabi ng BI na hinding-hindi lulusot ang mga nais magtrabaho sa ibang bansa gamit ang mga pinekeng dokumento.


Kung maalala, isang biktima ng illegal recruitment na si alyas ‘Ana,’ 37- years old ang nagtangkang umalis ng bansa patungong Hong Kong sakay ng Eva Air flight.

Pero nang sumalang sa primary inspection, napuna ng mga Immigration officer ang ilang hindi magkakatugmang pahayag ng biktima kayat agad itong isinalang sa secondary inspection.

Noong una ay sinabi ni alyas Ana na magbabakasyon lamang ito sa Hong Kong ng apat na araw.

Sa pagsalang nito sa isa pang interview ay ibinunyag nitong may hawak siyang valid Qatar work e-visa pero kalaunan ay inamin nitong base sa instruction ng kanyang recruiter ay magpanggap itong turista at doon na lang niya kukunin ang work visa sa Hong Kong.

Ang kaso ng biktima ay ipinasa na sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa imbestigasyon at paghahain ng kaso laban sa recruiter ni Ana.

Facebook Comments