Mahigpit na ipinagbabawal ng Bureau of Immigration (BI) ang mga kawani nitong mag-post ng mga video ng kanilang mga sarili na sumasayaw, kumakanta at iba pang pagtatanghal habang nakasuot ng kanilang official uniform sa social networking service na ‘TikTok.’
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, dapat mapanatili ng lahat ng susuot ng BI uniform ang integridad sa lahat ng oras dahil kinakatawan nila ang Philippine immigration service.
Ang pagpo-post ng mga nasabing videos sa social media ng ilang BI employees ay nagpapababa sa reputasyon ng kawanihan at naglilikha lamang ng negatibong imahe sa mga tauhan nito lalo na sa frontline immigration officers.
Nagbabala rin si Morente sa mga BI employees na kumukuha ng videos habang sila ay nasa kanilang trabaho.
Nilalabag nila ang direktiba ng tanggapan sa paggamit ng mobile phones at iba pang electronic gadgets habang sila ay nasa duty.
Maaari silang kasuhan ng administratibo dahil sa insubordination at conduct prejudicial to the interest of the service.
Nabatid na nag-viral sa social media ang ilang TikTok videos ng airport immigration officers na itinuturing ng BI na ‘reckless’ at nakakasira ng imahe ng ahensya.