Inilagay na ng Bureau of Immigration (BI) ang lahat ng kanilang tauhan sa international ports sa buong bansa sa mataas na alerto para palakasin ang border security ngayong holiday season.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, inatasan na niya ang immigration officers na naka-deploy sa iba’t ibang paliparan at pantalan na paigtingin ang screening sa mga paalis at paparating na biyahero.
Layon nitong matiyak na walang makalulusot na illegal aliens at mapigilan ang pag-alis ng mga biktima ng trafficking.
Nagbabala si Morente sa human smuggling at human trafficking syndicates na sinasamantala ang holiday rush para makapambiktima.
Nabatid na may mga nahaharang ang BI na trafficking victims sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan ang mga pasahero ay undocumented contract workers, na mayroong pekeng travel documents o magpapanggap na mga turista.