BI, nakatakdang ipatupad ang deportation order laban kay Pemberton

Handa ang Bureau of Immigration (BI) na ipatupad ang deportation order na inisyu nito laban kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, hiniling na nila kay Bureau of Corrections (BuCor) Director Gerald Bantag na mai-turnover sa kanilang kustodiya si Pemberton para maipatupad na ang deportation order at maiproseso na ang pag-alis nito sa bansa.

Inihayag ni Morente na mandato ng Immigration na ipatupad ang summary deportation order na inisyu ng Board of Commissioners laban kay Pemberton na may petsang September 16, 2015 dahil sa pagiging undesirable alien.


Binigyang diin ni Morente na dahil sa pardon na iginawad ng Pangulo kay Pemberton, wala na ring legal impediment o hadlang para makaalis ng bansa ang dayuhan.

Ayon kay Morente, ang hirit nilang pag-turn over ng kustodiya sa kanila ni Pemberton ay para lamang makumpleto o matapos ng Immigration ang deportation proceedings laban dito.

Naghihintay nalang anya sila ng direktiba mula kay Justice Secretary Menardo Guevarra para sa deportation order ni Pemberton.

Ayon kay Atty. Arvin Santos, BI Legal Division Chief, kailangan ng mga dayuhang ide-deport na magsimute ng clearance mula sa NBI at korte para masigurong wala silang nakabinbin na iba pang kaso.

Kapag nakumpleto na ang naturang mga requirements, sinabi ni Santos na aayusin naman ng immigration ang flight ni Pemberton kung saan magkakaroon ito ng escort na otoridad.

Facebook Comments