BI, nanindigan walang mali sa pag-off load sa isang Pinoy na babiyahe sana patungong Taiwan

Nanindigan ang Bureau of Immigration (BI) na sapat ang basehan nila para i-off load o hindi pasakayin ang isang Pilipinong bibyahe sana papunta sa Taiwan.

Matatandaang hinarang ng Immigration agent ang naturang pasahero matapos itong ma-red flag sa airport, noong June 30.

Ito ay kasunod ng pag-amin ng pasahero na malayo na ang blood relation niya sa nag-sponsor ng kaniyang biyahe patungong Taiwan.


Ayon kay BI Deputy Spokesperson Melvin Mabulac, nakasaad sa guidelines ng BI na harangin ang isang biyahero kung sa kanilang imbestigasyon ay hindi ito karapat-dapat na makabiyahe.

Pinabulaanan din ni Mabulac ang post ng biyahero na umano’y matagal ang ginawang proseso para sa kanyang verification at naiwanan siya ng eroplano.

Batay kasi sa imbestigasyon ng Immigration, dumating at nag-check in ang pasahero, 1 hour and 27 minutes bago ang flight nito kung kaya’t kinapos na ito ng oras sa verification counter.

Samantala, pinayuhan naman ni Mabulac ang mga babiyahe, na maglaan ng tatlong oras para sa check in upang may sapat pang panahon sa mga verification at final x-ray bago ang pagsakay sa eroplano.

Facebook Comments