
Pinag-aaralan ng Bureau of Immigration (BI) ang posibilidad na tuluyang ipagbawal ang paggamit ng cellphone sa dalawang pasilidad nito sa Muntinlupa at Taguig.
Ayon kay BI Commisioner Joel Anthony Viado, posibleng palitan ito ng landline at magkaroon na lamang ng video call booths.
Ani Viado, bagama’t hindi bilangguan ang BI warden facility kundi pansamantalang holding area lamang para sa mga dayuhang sumasailalim sa deportation ay, mahigpit na ipinagbabawal ang hindi awtorisadong paggamit ng mga gadget.
Matatandaang nagsagawa ng sunod-sunod na raid ang Bureau of Immigration (BI) nitong Biyernes ng hapon sa mga holding facility nito sa Taguig at Muntinlupa upang tiyakin na walang kontrabando at ilegal na aktibidad sa loob ng mga pasilidad.
Isinagawa ang operasyon matapos ang pahayag ng Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy na nagkaroon umano siya ng access sa mobile phone habang nasa kustodiya ng BI.
Nilinaw ni Viado na nangyari ang insidente noong Hunyo o Hulyo pa, at mula noon ay nagsagawa na ang BI ng ilang raid at kumpiskasyon.
Gayunman, sinabi niyang kinakailangan pa rin ang panibagong malawakang operasyon batay sa pinakahuling impormasyong natanggap.
Layunin din ng operasyon na matiyak na walang nabibigyan ng espesyal na treatment.
Nakumpiska ang iba’t ibang kontrabando tulad ng pera, mga cellphone at electronic gadgets, sigarilyo at e-cigarette, kutsilyo at iba pang matutulis na bagay, pati mga baraha at kagamitang pang-sugal.










