Inaprubahan na ng Senado at Kamara ang Bicameral Committee Report para sa 2025 General Appropriations Bill (GAB) na aabot ng P6.352 trillion.
Unang nagmosyon si Senator Sherwin Gatchalian na aprubahan na ang Bicam report para sa pambansang pondo sa susunod na taon na sinegundahan naman ni Senator Joel Villanueva.
Bago aprubahan ang Bicam report ay nagsalita naman si Senator Risa Hontiveros na hindi muna siya lalagda sa Bicam committee report ng budget dahil babasahin muna niya ang detalye nito.
Samantala, sa bahagi naman ng Kamara ay iminosyon ni House Majority Leader Mannix Dalipe ang pagpasa sa Bicam report na agad namang sinegundahan ni Congw. Stella Quimbo.
Inaasahang magpapaunlak naman ng panayam ang mga senador at kongresista para sa maidetalye ang mga napagkasunduan sa budget ng binuong technical working group para sa Bicam.
Kung matatandaan naman ay nais isulong ng Senado na bahagyang madagdagan ang pondo ng Office of the Vice President (OVP) habang ang Kamara naman ay iginigiit ang pagbabalik ng inalis na pondo para sa AKAP program.
Kaugnay rito ay tiniyak ni Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe na tinaasan ng Kongreso ang pondo ng mga mahahalagang ahensya partikular na sa social protection, livelihood programs, health, education, at disaster response.