Tiniyak ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na naging patas ang Senado at Kamara sa inaprubahang bersyon ng P5.268 trillion na 2023 budget.
Ngayong umaga ay inaprubahan na ng bicameral conference committee ang P5.268 trillion na 2023 General Appropriations Bill (GAB).
Ayon kay Angara, naging ‘fair’ naman ang dalawang kapulungan ng Kongreso kung saan may pagbibigayan namang ginawa para pagkasunduin ng mga contentious provision na nakapaloob sa pambansang pondo.
Sinabi pa ni Angara na bagamat 4% lang ang itinaas sa 2023 budget, kumpyansa naman ang senador na malaki ang maitutulong pa rin nito sa ekonomiya.
Aniya, maituturing na ‘productive spending’ ang 2023 budget dahil nakatuon ito sa igagastos sa edukasyon at imprastraktura na magpapalaki at magpapaganda sa takbo ng ekonomiya at makapagbibigay trabaho sa ating mga kababayan.
Ilang ahensya naman ang nadagdagan ang pondo sa susunod na taon kabilang dito ang Department of Education (DepEd), state universities and colleges (SUCs), infrastructure budgets, Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG), Supreme Court at judiciary.
Nadagdagan din aniya ang budget ng ilang social programs tulad ng emergency employment ng DOLE, assistance to individuals in crisis situation (AICS) at conditional cash transfer (CCT) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), libreng tuition, subsidiya sa PhilHealth at assistance para sa mga indigent patient sa government hospitals.
Ibinaba naman ang pondo sa special funds at foreign assisted projects na inilagay naman sa unprogrammed funds na maaari namang pondohan kapag nag-materialize na ang loan ng bansa.