
Iginiit ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña sa bicameral conference committee na gawin ang lahat para maipasa sa takdang oras ang 2026 national budget.
Sabi ni Cendaña, ito ay para maiwasan ang paggamit ng 2025 reenacted budget sa pagsisimula ng taong 2026.
Ayon kay Cendaña, puno ng korapsyon, pag-abuso at pagpabor sa ilang mga politiko at nasa kapangyarihan ang 2025 national budget kaya hindi deserve ng mamamayang Pilipino na umiral pa ito sa 2026.
Diin ni Cendaña, dapat maipasa ang pambansang budget kung saan walang puwang ang pag-abuso at walang taglay na kwestyonableng mga item tulad ng unprogrammed appropriations.
Dagdag pa ni Cendaña, hindi rin dapat maipaloob sa national budget ang kwestyonableng alokasyon sa farm-to-market roads, Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) at ibang budgetary items na maaring kontrolin ng mga miyembro ng Kongreso.
Tiwala si Cendaña na mayroon pang sapat na panahon para maisabatas ang isang corruption-free national budget.









