BiCam para pagkasunduin ang mga bersyon ng Senado at Kamara sa 2025 National Budget, sinimulan na

Binuksan na ngayong hapon ng Bicameral Conference Committee ang deliberasyon sa P6.352 trillion 2025 General Appropriations Bill (GAB).

Ginaganap ngayon sa Sheraton Hotel sa Pasay City ang BiCam kung saan pagkakasunduin ng Senate at House contingent ang mga contentious o pinagtatalunang probisyon sa ipinasang magkaibang bersyon ng budget ng dalawang kapulungan.

Sa panig ng Senado, tumatayong Chair ng Senate contingent sa BiCam si Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe habang ang House contingent naman ay pinangunahan ni Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, ang Chairman naman ng House Committee on Appropriations.


Kabilang din sa contingent ng dalawang Kongreso sina Senate President Chiz Escudero at Speaker Martin Romualdez.

Sa pagsisimula ng BiCam, sinabi ni Poe na layon nilang magpasa ng pambansang pondo na balanse, makatwiran at pro-people.

Umapela rin si Poe na huwag masyadong seryosohin ang mga sarili at kapag umiinit na ang talakayan sa budget ay makabubuting mag-coffee break muna at saka solusyunan ang mga pagkakaiba.

Sinabi naman ni Co na nakatitiyak ang publiko na ang ipapasang 2025 national budget ay nakahanay sa mga pagsisikap ng pamahalaan sa ilalim ng 8-Point Socioeconomic Agenda partikular na sa pagpapababa ng poverty rate at pagpapaangat ng economic status ng bansa sa upper-middle income economy.

Sang-ayon din ang Kamara na isantabi ang mga pagkakaiba ng dalawang kapulungan para sa mas makatwiran at mas matatag na pondo para sa susunod na taon.

Facebook Comments