Bicam report ng panukalang Bayanihan 2, niratipikahan na ng Senado

Niratipikahan na ng Senado ang bicameral conference committee report ng Bayahihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 na may bisa hanggang December 19, 2020.

Ayon kay Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, may kabuuan itong pondo na ₱165.5-billion kung saan ang ₱140-billion ay may pagkukunan na habang ang ₱25.5-billion ay standby fund kung saan nakapailalim ang ₱10-bilyon na pambili ng COVID-19 vaccine at testing.

Sa panukala ay may inilaang ₱5-bilyon para sa contact tracing at ₱4.5-billion para sa isolation o quarantine facilities, field hospitals at dormitoryo para sa mga frontliners at ₱3-bilyon na dagdag sa pambili ng Personal Protective Equipments (PPEs).


Bibigyan naman ng ₱15,000 ang mga health workers na tatamaan ng COVID-19; ₱100,000 kapag naging malubha ang kanilang kondisyon, at kung sila ay masawi, pagkakaloobanng ₱1-milyon ang kanilang pamilya.

May nakalaan namang ₱13-bilyon para sa mga nawalan ng trabaho; ₱10-bilyon para sa tourism industry; ₱9.5-billion sa sektor ng transportasyon; ₱24-billion sa Agriculture sector; at ₱4-billion para sa pagpapatupad ng Department of Education (DepEd) ng digital education.

Sa ilalim ng Bayanihan 2 ay tuloy pa rin ang lima hanggang walong libong piso na tulong pinansyal sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) pero ito ay para na lamang sa mga low income households sa mga lugar na nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ) o hard lockdown o mga umuwing Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa pandemya.

Binibigyan ng Bayanihan 2 ng 60 araw na moratorium ang lahat ng may utang sa buong bansa habang may 30 araw naman na palugit sa pagbabayad ng tubig, kuryente, renta sa bahay, at pwesto ng negosyo sa mga lugar na nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) at ECQ.

Inaatasan naman ng Bayanihan 2 ang Pangulo at Commission on Audit (COA) na mag-report sa Kongreso kada buwan kaugnay sa implementasyon nito.

Facebook Comments