
Niratipikahan na ng mataas na kapulungan ang bicameral conference committee report ng panukalang Government Optimization Bill o ang dating government rationalization bill.
Isinusulong ng panukala na maisaayos ang mga ahensya, kagawaran at opisina ng gobyerno para mapabilis ang serbisyo ng pamahalaan.
Sinabi ni Senate President Chiz Escudero na ang pangulo ang tatayong Chief Optimizing Officer ng Ehekutibo.
Bibigyan ang presidente ng kapangyarihan na pagsamahin, ilipat, ihiwalay, mag-scale down at magbuwag ng mga ahensya at gumawa ng mga bago kung kinakailangan.
Dapat na aniya itong gawin dahil hindi unlimited ang resources ng gobyerno na mula sa taumbayan.
Siniguro ni Escudero na isinasaad sa panukala na ang mga ahensya at ang kanilang mga empleyado ay kokonsultahin sa pamamagitan ng organizational reviews at paghahanda ng optimization plans.









