Niratipikahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang bicam report sa panukalang nag-aamyenda sa Anti-Rape Law.
Nagawang pagkaisahin ng bicameral conference committee ang ilan sa magkakasalungat na probisyon ng House Bill 7836 at Senate Bill 2332.
Kapag naisabatas, ang edad sa statutory rape ay itataas na sa 16 na taong gulang mula sa kasalukuyang 12 taong gulang.
Ibig sabihin, ituturing na rape ang pakikipagtalik ng isang adult sa menor de edad na 16 anyos pababa, ito man ay consensual o hindi.
Mayroong “Romeo and Juliet” clause sa batas kung saan wala namang criminal liability kung ang magkarelasyon ay may age gap o agwat sa edad na hindi hihigit sa tatlong taon.
Ikinatuwa naman ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang pagkakaratipika sa panukala at ito aniya ay malaking hakbang para mabigyan ng katarungan ang mga biktima.
Ang panukala ay iaakyat na sa tanggapan ng Pangulo para malagdaan at tuluyang maging ganap na batas.