Ni-ratipikahan na ng Kamara ang report ng Bicameral Conference Committee para sa 2025 General Appropriations Bill o panukalang pambansang budget sa susunod na taon na nagkakahalaga ng P6.352 trillion.
Sa oras na ma-ratipikahan na rin ng Senado, ay i-aakyat na ito sa tanggapan ni Pangulo Ferdinand bongbong Marcos Jr. para sa kanyang lagda at pagsasabatas.
Ang 2025 national budget ay 10.1% na mas mataas sa 2024 National Budget na P5.768 trillion.
Ikinalugod naman ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na kasamang nakapaloob sa 2025 budget ang 16-billion pesos na pondo para maitaas ang P150 arawang subsistence allowance ng mga sundalo sa P350 o P10,500 kada buwan.
Diin ni Romualdez, ang dagdag na allowance na ito ay hindi lamang suporta sa ating mga sundalo kundi pagkilala rin sa kanilang sakripisyo para sa bayan.