BiCam sa 2025 national budget, sisimulan na ngayong araw; OVP budget at kontrobersyal na AKAP, inaasahang pagdedebatehan ng mga senador at kongresista

Idaraos na mamayang hapon ang unang araw ng Bicameral Conference Committee Meeting para sa 2025 national budget.

Ayon kay Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe, inaasahan na ilan sa mga mainit na tatalakayin ng mga senador at kongresista ang budget ng Office of the Vice President (OVP) at ang kontrobersyal na Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ilan kasi sa mga senador ang nagnanais na dagdagan ang pondo ng OVP sa susunod na taon matapos mabahala na higit sa 200 mga empleyado ng opisina ang posibleng mawalan ng trabaho subalit ang Kamara naman ay ibinaba sa ₱733 million ang OVP budget bagay na in-adopt ng Senado.


Ang AKAP fund naman sa 2025 ay inalis ng Senado pero nais ng Kamara na maibalik ito sa pagdating sa BiCam.

Sinabi naman ni Poe na handa naman silang pakinggan ang mga punto ng House contingent para sa AKAP pero ilalatag din nilang mga senador ang rason bakit nila tinanggal ang pondo sa AKAP at inilipat sa iba’t ibang programa.

Facebook Comments