Umarangkada na ngayong araw ang bicameral conference committee hearing ng Senado at Kamara para talakayin ang P5.268 trillion na 2023 General Appropriations Bill (GAB).
Ang bicam ay ginaganap ngayon sa Manila Golf and Country Club sa Makati na pinangunahan ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara at Appropriations Chairman Cong. Elizaldy Co.
Sa bicam ay pagkakasunduin ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang magkakasalungat na probisyon na nakapaloob sa magkahiwalay na inaprubahang bersyon ng panukalang pambansang pondo ng susunod na taon.
Ayon kay Angara, sa opening ng bicam ay pangunahin pa lang ang preliminaries kung saan inilatag pa lang ang mga gustong gawin at magiging direksyon sa mga amyendang gagawin pa sa 2023 budget.
Sinabi ni Angara na kasama sa napag-usapan ang pagpapanatili sa realignment ng Senado sa confidential at intelligence funds ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno na aabot sa kabuuang P172 million.
Paglilinaw ni Angara hindi naman talaga tinanggalan ng pondo ang mga ahensya ng bawasan ang kanilang mga confidential at intel funds kundi inilipat lamang ito sa kanila ring MOOE o maintenance and other operating expenses.
Umaasa naman si Angara na sa susunod na linggo ay matapos na ng Kongreso ang pagtalakay ng budget sa bicam at maaprubahan at maratipikahan na ito agad upang bago mag-Pasko ay malagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pambansang pondo ng susunod na taon.