Bicameral Conference Committee, lumagpas sa kapangyarihan matapos ibalik ang kwestyunableng P9.3 billion na confidential funds sa 2023 budget

Tahasang tinawag ni ACT Teacher’s Partylist Rep. France Castro na nag-“overboard of authority” o lumagpas sa kapangyarihan ang Bicameral Conference Committee.

ito ay matapos na payagan ng Senado at Kamara ang pananatili ng P9.3 billion na Confidential and Intelligence Funds (CIF) ng ilang ahensya ng gobyerno sa P5.268-trillion proposed 2023 national budget.

Sa interview ng RMN Manila, binigyang-diin ni Castro na ang trabaho ng bicam ay silipin at ayusin kung may magkaibang probisyon sa national budget ngunit naging 3rd Congress sila para lamang maisingit ang Confidential and Intelligence Funds.


Sinabi ni Castro na nagtiwala sila sa pamunuan ng Kamara na paninindigan ang napagkasunduan na hindi payagan ang paglalagay ng CIF sa national budget pero parehong bumaliktad sa usapang ito ang dalawang Kapulungan ng Kongreso.

Dahil dito, maghahain ang ACT Teacher’s ng panukalang batas para magkaroon ng transparency at accountability ang mga ahensya ng gobyerno na mayroong CIF.

Batay sa niratipikahang P5.268-trillion national budget, ibinalik ang P150-million na CIF ng Department of Education (DepEd) at P500-million na confidential funds ng Office of the Vice President.

Facebook Comments