Bicameral conference committee, nagkasundo na i-re-prioritize ang P50 billion halaga ng projects sa 2019 budget

Manila, Philippines – Matapos malagay sa kontrobersiya ang 2019 budget, nagkasundo ang Kamara at Senado sa bicameral conference committee na itakda sa P50 Billion ang ceiling para sa re-prioritization ng mga proyekto sa ilalim ng panukalang 2019 national budget.

Ito ay dahil sa magkaibang halaga ng mga proyekto ng Senado at Kamara sa kanya-kanyang bersyon ng inaprubahang pambansang pondo ngayong taon.

Lumabas sa bicam hearing na aabot pala sa mahigit P189 Billion ang infrastructure projects sa budget version ng Senado habang P51 Billion lamang ang sa Kamara.


Paliwanag nila Senators Loren Legarda at Ping Lacson, ang naturang mga proyekto ay “institutional amendments” na hiningi ng mga ahensya.

Katwiran naman dito ni House Appropriations Committee chairman Rolando Andaya na galing rin naman sa regional offices ng mga ahensya ang request na mga proyekto ng mga kongresista para sa kani-kanilang mga distrito tulad ng mga proyekto ng mga senador.

Kaugnay nito’y sinabi ni Andaya na magiging prayoridad ng Kamara ang mga dagdag na pondong rekomendasyon ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo kabilang ang P20-B para sa Department of Agriculture, P10-B para sa Department of Health, at P350-M para sa Housing.

Facebook Comments