Bicameral Conference Committee para sa 2024 national budget, umarangkada na; pagtapyas sa CIF ng OP, hindi masyadong itinulak ng mga mambabatas

Sinimulan na ng Bicameral Conference Committee ang pagtalakay sa P5.768 trillion na 2024 national budget para pagkasunduin ang kanya-kanyang bersyon ng Senado at Kamara.

Sa naging opening statement ni Senate Committee on Finance Sonny Angara, head ng Senate contingent sa BiCam, pinayuhan ng senador ang mga mambabatas na gampanan ng mahusay ang kanilang mga tungkulin sa ilalim ng saligang batas dahil ito lamang din ang kanilang mgagawa sa panahon ngayon na hindi sigurado kung saan may mga nagaganap na giyera at pagkasawi ng mga inosente.

Sinabi pa ni Angara na kahit ano pa ang maging lagay o sitwasyon ng merkado sa mga ganitong panahon na hindi tiyak ang mangyayari ay dapat pa ring gawin ng pamahalaan ang kanyang tungkulin.


Samantala, sa Senate version ay in-adopt ng Mataas na Kapulungan ang bersyon ng Kamara kung saan ang confidential at intelligence funds ng mga civilian agencies ay ni-realign sa security agencies.

Paliwanag ng senador, katulad sa Kamara ay pareho rin sila ng pagtingin sa CIF na ito ay dapat para lamang sa mga ahensya na may mandato para sa intelligence gathering.

Ang CIF naman aniya ng tanggapan ni Pangulong Bongbong Marcos ay hindi masyadong itinulak ng mga mambabatas dahil batid naman nila na kailangan ang nasabing pondo lalo’t ang panahon ngayon ay ‘uncertain’ o walang kasiguraduhan dahil sa mga biglang nangyayari na giyera, insidente ng terorismo, hijacking, kidnapping at iba pa na nakakaapekto sa ekonomiya ng maraming bansa.

Giit naman ni Angara, ang maganda rito ay hindi naman nila dinagdagan ang CIF ng Office of the President (OP) na kahit lumalaki ang pondo ng bansa taon-taon ay nananatili lamang ang halaga nito.

Sa 2024 ay mayroong kabuuang P9.8 billion na CIF kung saan P4.56 billion dito ay CIF sa opisina ng pangulo.

Facebook Comments