Bicameral conference committee, sinimulan na ang pagtalakay sa 2022 national budget

Inumpisahan na ngayong Lunes ang pagtalakay ng bicameral conference committee para sa P5.024 trillion na 2022 national budget.

Sa bicam meeting ay pagkakasunduin ng Kamara at Senado ang ilang magkakaiba nilang probisyon sa bawat bersyon ng 2022 General Appropriations Bill (GAB) bago ito aprubahan.

Ginanap ang bicam ngayon sa Garden Ballroom ng Edsa Shangri-La Hotel sa Mandaluyong City.


Kabilang sa mga miyembro ng bicam na dumalo ay sina Appropriations Chairman Eric Yap, House Majority Leader Martin Romualdez, Minority Leader Joseph Stephen Paduano at Deputy Speaker Mikee Romero.

Samantala, sa panig naman ng Senado ay present sa bicam si Senate Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, kasama sina Senators Pia Cayetano, Cynthia Villar, Joel Villanueva, Sherwin Gatchalian, Richard Gordon, Bong Go, Imee Marcos, Risa Hontiveros, Grace Poe, Ronald Dela Rosa, Nancy Binay, at Juan Miguel Zubiri.

Nauna nang tiniyak ng Kamara at Senado na ang 2022 budget ay dapat na makatugon sa pangangailangan at pagtugon sa pandemya.

Kabilang sa inaasahang mabubusisi at pagdedebatihan sa bicam meeting ay ang panukalang pondo para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC, special risk allowance (SRA) ng mga healthcare workers at ang nalalapit na 2022 elections.

Facebook Comments