Hinahagupit na ng Bagyong Kristine ang Bicol region.
Sa press conference ng Office of Civil Defense (OCD), sinabi ni OCD 5 Director Claudio Yucot na patuloy na nakararanas ng malakas na ulan at hampas ng hangin ang Bicol region.
Sa katunayan, naka-Red Alert na ang OCD 5 dahil sa pananalasa ng bagyo.
Ayon kay Yucot, mayroon nang 1,970 pamilya o 2,374 indibidwal ang apektado ng bagyo sa Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur, at Masbate ang inilikas ng lokal na pamahalaan.
Nasa 2,450 pasahero rin ang stranded dahil tigil-operasyon ang ilang pantalan sa Bicol.
Nakapagtala na rin ng pagbaha sa 17 barangays, 8 syudad, at munisipalidad sa Naga at Camarines Sur kung saan may naitala ring 1 landslide.
3 kalsada rin sa Camarines Sur ang hindi madaanan dahil sa baha at may naitala ring power interruption sa Catanduanes at Masbate.
Samantala, malakas na pag-ulan din ang nararanasan sa Eastern at Northern Samar.
Sa ngayon, mayroon nang halos 1,000 indibidwal ang inilikas pansamantala.
Ayon sa OCD 8, posible pang tumaas ang bilang ng mga bakwit dahil maaaring manalasa ang bagyo sa lalawigan hanggang bukas ng gabi.
Kaugnay nito, nakahanda na ang iba’t ibang Civil Defense offices ng bawat rehiyon sa bansa kung saan naka-preposisyon na ang mga ayuda, rescue equipment, logistics, at manpower.
Umaasa naman ang pamahalaan na makakamit ang target na zero casualty sa pananalasa ng Bagyong Kristine.