
Umarangkada na ang public auction ng Bureau of Customs (BOC) para sa pitong luxury vehicles na nakumpiska mula sa mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya.
Nasa 10 bidder ang kasalukuyang nasa loob ng tanggapan ng BOC para lumahok sa naturang subasta.
Kabilang sa ipinasusubasta ng BOC ang:
• Rolls-Royce Cullinan 2023 – floor price ₱45.3 milyon
• Lincoln Navigator L 2021 – ₱7.3 milyon
• Bentley Bentayga 2022 – ₱17.3 milyon
• Mercedes-Benz G63 2022 – ₱14.1 milyon
• Toyota Sequoia 2023 – ₱7.2 milyon
• Mercedes-Benz G500 2019 (BRABUS) – ₱7.8 milyon
• Toyota Tundra 2022 – ₱4.9 milyon
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, hindi lamang ang mga nabanggit na luxury vehicles ang target nilang isubasta, kundi maging ang iba pang sasakyan at ari-arian ng mga contractor na sangkot sa maanomalyang proyekto.
Sinabi naman ni LTO Chief Markus Lacanilao na handa ang kanilang tanggapan na tumulong sa pagproseso ng kinakailangang dokumento ng mga mananalong bidder kaya’t wala umano silang dapat ipag-alala.
Bago ang BOC at LTO, ininspeksyon at personal na tiningnan ni Finance Secretary Frederick Go ang isinasagawang auction kasama si Independent Commission for Infrastructure (ICI) Chairperson Andres Reyes.









