Sinita ni Senator Raffy Tulfo ang bidding process ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Small-Town Lottery (STL).
Sa pagdinig ng Committee on Games and Amusement, pinuna ni Tulfo ang proseso kung saan ang natalong bidder ay maaari pang sumali sa isa pang round ng bidding.
Dahil sa kasalukuyang sistema, ang nangyayari ay iyong natalong bidder pa ang nakakakuha sa huli ng karamihan sa mga prangkisa para magpatakbo ng STL sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Naabuso aniya ng ilang opisyal ng PCSO ang ganitong sistema kung saan nakakatanggap ng goodwill money at regular na “under the table” pay mula sa pinaburang bidder.
Iginiit ni Tulfo na oras na may nanalong bidder ay dapat nang isara ang bidding at “better luck next time” na lang aniya sa talunang bidder.
Kinastigo rin ng senador ang STL operators na hindi nagbibigay ng anumang benepisyo sa kanilang mga kabo, sa kabila ng bilyones na kinikita kada buwan.