BIDDING SA MGA ‘DI NABENTANG IMPOUNDED NA SASAKYAN, MULING ISASAGAWA NG LTO CAUAYAN

Magsasagawa muli ng bidding ang Land Transportation Office Cauayan sa mga natitira pang motorsiklo na hindi naibenta sa mga dumalo sa bidding noong October 13, 2022.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Deo Salud, Senior Supervising Transportation Regulation Officer 1, isasagawa ang ikalawang bidding sa Enero sa susunod na taon.

Ibabase pa rin ang presyo sa naitalang paglabag ng may-ari ng isusubastang motorsiklo, kolong-kolong o 4-wheels.

Kung hindi pa rin maisusubasta ang mga natira sa ikalawang bidding ay idedeklara na itong “Failure of Bidding” o FOB.

Kapag naideklara namang FOB ang mga naturang impounded na yunit, ay kukuha na ang ahensya ng Professional Mechanic, para ito na ang magbibigay ng presyo na naaayon sa Fair Market Value ng bawat motorsiklo.

Dagdag pa ni Salud, asahan umano ang pagbaba ng presyo ng mga ipapasubasta dahil ang bawat yunit ay posibleng magkahalaga ng nasa P3,000 hanggang P5,000.

Facebook Comments