Naniniwala si Defense Secretary Delfin Lorenzana na malaki ang maitutulong ng administrasyon ni US President Joe Biden sa Pilipinas.
Sa virtual forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines o FOCAP, inihayag ni Lorenzana na ang taong 2021 ay may dalang pangako ng bagong simula sa relasyon ng bansa at Amerika.
Aniya, maaaring makinabang ang Pilipinas kung bibigyang pansin ng US ang Asya para magkaroon ng counterbalance sa China.
Isa kasi ang Pilipinas sa mga bansa na matagal nang kaalyado ng US kahit na magpalit ng liderato.
Matatandaang nasasangkot din ang US sa territorial issue sa West Philippine Sea dahil tutol sila sa pananakop ng China sa mga isla sa karagatan.
Inamin naman ni Lorenzana na dahil sa tumataas na tensyon sa pagitan ng US at China ay hindi malayong maiipit ang Pilipinas.