Big fish sa illegal drug operations, tututukan na ng pamahalaan

Manila, Philippines – Inihayag ngayon ng Palasyo ng Malacañang na ang dahilan ng paglilipat ni Pangulong Rodrigo Duterte ng lahat ng anti-illegal drug operations ng pamahalaan sa Philippine Drug Enforcement Agency ay para tutukan pa ang mga malalaking drug personalities sa bansa.

Matatandaan kasi na kahapon ay inanunsiyo ng Palasyo na inalis na ni Pangulong Duterte sa Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation at Bureau of Customs ang otoridad na magsagawa ng mga anti-illegal drug operations at pagsasagawa ng anti-illegal drug campaigns.

Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, nabawasan na ang distribusyon ng iligal na droga sa bansa dahil na rin sa mga naging operasyon ng PNP kaya ngayon ay target naman ng pamahalaan ang pagtutok sa mga big fish na tatrabahuhin ng PDEA.


Naniniwala naman ang Malacañang na kaya ng PDEA na gampanan ang kanilang mandato dahil bihasa at eksperto ang mga ito sa pagsasagawa ng anti-illegal drug operations.

Facebook Comments