Manila, Philippines – Para kay Senator Risa Hontiveros sa pagsisimula pa lang ng war on drugs ay naging mabangis na ito sa mga maliliit o pinaghihinalaang sangkot sa ipinagbabawal na gamot.
Umaasa si Hontiveros na ang plano ng administrasyon na mas mabangis na war on drugs ay sisentro sa mga big time drug pushers at sa pagpigil sa pagpasok o pagkalat ng suplay ng droga sa bansa.
Dismayado si Hontiveros na hanggang ngayon ay wala pang totoong malaking big time drug lord, drug financier at drug protector ang inaaresto, kinakasuhan at nahahatulan.
Diin pa ni Hontiveros, napakarami pa ring droga sa kalsada at ganun pa rin kamura at kadali itong bilhin.
Giit ni Hontiveros, mas naging epektibo sana ang war on drugs kung kasama ang Department of Health (DOH) sa mga pangunahing ahensya na pinakilos at tinrato ang pagkalulong dito bilang problemang pangkalusugan kung saan ang mga drug users ay isinailalim sa rehabilitasyon.